The Story of Caleb Villa Part 3

For J.Harley... this is it haha.

X - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - X

Di na naulit muli yung nangyari sa akin ni tito nung mga sumunod na araw kasi naging busy ang lahat sa paghanda ng 25th wedding anniversary nina papa at mama. Pati nga si Jonas nasasama na rin sa mga nauutusan. Si tito Arvey naman umuwi na sa bahay niya na matagal na ring di nagagamit. Sabi ni mama baka dito na ulit magi-stay si tito sa Pilipinas. Sa loob-loob ko tuwang-tuwa ako.

“Ma’am bale tinanggal ko na po yung mga shrimp-based dishes sa menu.” Sabi ni Cherry, ang main events coordinator nina papa at mama. Nasa sala kami nun at  “Pero for the main dishes, papalitan na lang po ng substitute para po umayon naman sa theme niyo.” Matangkad si Cherry, mahaba ang buhok at medyo payat. Maganda naman siya, kaso nakakapagtaka na iniwan siya ng boyfriend niya nung nabuntis siya. Simula nung pinanganak niya ang anak niya, di na siya nagkarelasyon ulit ayon kay mama.

“Sige. Salamat Cherry.” Sabi ni mama. “Ito na ang pinakastress na preparation ko ever. Buti andito ka.”

Ngumiti si Cherry habang sinasara ang dala niyang planner. “Ma’am ginagawa ko lang naman po yung trabaho ko.”

“And a damn fine job you’ve done over the years.” Tinapik ni mama yung braso ni Cherry. Ako naman nakaupo lang ako sa sofa, medyo natatawa at natutuwa sa drama ng dalawa. “Imagine 3 wedding anniversaries. You know you should start finding someone for yourself.”

“Ma’am… alam niyo naman pong nung ipinanganak ko si Alonzo fifteen years ago sinabi ko po noon na siya lang mamahalin ko. Kaya nga po pinagbutihan ko yung 15th anniversary niyo po kasi inisip ko po yung magiging future namin.” Sagot ni Cherry. “Tsaka wala naman na pong magkakagusto sa akin.”

Tumawa si mama. “May kakilala akong bagay na bagay sa iyo!”

Napatingin ako kay mama.

“Kilala mo ba yung kapatid ko. Si Arvey?”

Nawala yung tuwa sa isip ko. Bigla akong kinabahan.

“Bagay kayong dalawa.”

Napatayo ako. Hindi ko alam pero dumiretso yung paa ko sa kusina.

Nung nakapunta na ako dun at nakitang wala si Nay Pasing, napasandal ako sa pader. Hindi ko alam kung ano yung nararamdaman ko. Pero naisip kong ayaw kong mawala sa akin si tito Arvey. Naguguluhan ako bigla.

“Nak, okay ka lang ba?”

Tumingin ako sa kabilang pintuan at nakita si Nay Pasing na nakatayo, kitang-kita sa mukha niya ang pag-alala.

“Okay lang ako Nay.” Panigurado ko sa kanya. Pero kilala ko si Nay Pasing. Magaling siyang makiramdam. “Medyo nahilo lang po ako kaya ako pumunta dito sa kusina para uminom ng tubig.”

Kumuha si Nay Pasing ng baso. “Ah. Ganun ba.” Nilagyan niya ito ng tubig mula sa dispenser. “O sige inom ka at magpahinga mamaya. Medyo matrabaho talaga itong anniversary ng mga magulang mo no?”

“Opo.” Sabi ko at kinuha ang inabot niyang baso. Uminom ako at ngumiti. “Salamat Nay.”

Tumango lang si Nay Pasing at pumunta sa counter. Naalala ko bigla yung gabing may ginawa kami doon. Naramdaman kong namula ang mukha ko. Mas namula pa ito nung nakita kong napansin ni Nay Pasing ang pamumula nito.

“Sige Nay.” Pagpapaalam ko. “Matutulog muna ako sa kwarto.”

Di ko na nadatnan si mama at Cherry sa sala nung umakyat ako sa kwarto. Pagkapasok ko eh napahiga ako sa kama at hinagkan yung isa kong unan. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko. Pagseselos ba? O kaba? Ewan. So sobrang pagiisip ko nakatulog ako.

Nagising ako kinagabihan at pagbaba ko nagulat ako na naghahanda sina Nay Pasing at ate Rosa ng medyo magagandang pagkain sa kusina. “Nay may okasyon po ba?” tanong ko.

“O nak!” sabi ni Nay Pasing habang naghihiwa ng patatas. “Okay na ba pakiramdam mo?”

“Opo.” Sagot ko. Kumuha ako ng baso at naglagay ng tubig.

“Anong nangyari sa kanya?” tanong ni ate Rosa.

“Napagod.” Sagot ni Nay Pasing. “Gigisingin ka na sana mamaya ni Rosa para maghanda kasi may mga bisita tayo mamaya.”

“Sino po?” tanong ko sabay inom ng tubig.

“Si Sir Arvey at si Ma’am Cherry.” Nangingiting sagot ni Rosa. Nasamid ako sa ininom kong tubig at pumunta ako kaagad sa lababo para ilabas ito. Naramdaman kong may tumatapik sa likod ko at narinig ko si ate Rosa. “Hala. Hinay-hinay lang sa tubig Cal.”

Tumawa na lang ako. Natawa na lang din si ate Rosa. Pero nakita kong nagaalala ang tingin sa akin ni Nay Pasing. Nagpaalam na lang ako upang makapagayos na rin.

“Jonas pupunta dito si tito Arvey.” Sabi ko kay Jonas sa phone.

“Oh. Eh di okay sa iyo di ba?” sagot niya na may halong tawa.

Huminga ako ng malalim. “Hindi eh. Merong nirereto si mama sa kanya.”

“HAAA?” gulat na sabi ni Jonas. “Sino sino sino?”

“Si Cherry…” mahina kong sagot.

“Yung coordinator niyo??!!”

“Oo. Sino pa ba ang Cherry dito?”

“Uhh… may Cherry tayong kaklase?”

“EH IRERETO BA SIYA NI MAMA KAY TITO!!!”

May kumatok sa pinto. “Sige… mamaya na lang.” cinancel ko na yung tawag at binuksan yung pinto. Nakatayo si mama sa may pinto.

“Anak. Prepare ka na pupunta dito tito mo.” Nakangiting sabi ni mama. “Ipapakilala natin siya kay Cherry.” Sabay kindat sa akin.

Ngumiti na lang ako pero sa loob ko medyo nalungkot ako. “Sige maliligo lang po ako ma.”

“Sige. Baba ka na lang mamaya.” Umalis na si mama at sinara ko yung pinto. Napabuntong-hininga ako. Mabagal akong naglakad sa may banyo at napatingin ako sa salamin. Bigla kong naamin sa sarili kong gusto ko si tito, pero sumagi bigla sa isip ko na mali siyang mahalin.

Pinigil ko yung luhang nagbabadyang tumulo sa aking mga mata. Tumawa na lang ako at nagsimulang magtanggal ng damit.

Pagkatapos kong maligo at magbihis bumaba din ako sa sala kung saan nakaupo dun sina papa, mama, Cherry at isang lalaking kasing edad ko lang.

“Alonzo, this is our only son Caleb.” Pakilala ni papa sa lalaking tinawag niyang Alonzo. Tumayo ito at nakipagkamay. “Caleb, this is Alonzo, Cherry’s son.”

Medyo kamukha ni Alonzo ang nanay niya. Moreno, at may kahabaan ang buhok. Parang inaantok din yung mata niya, parang kay tito. Pero bumagay dun sa mata niya yung di medyo mahabang buhok at medyo magulo. Okay naman siya, may kagwapuhan, pero medyo payat din kasi siya. Nakipagkamay ako sa kanya bago umupo sa tabi ni mama.

Maya-maya pumasok si Louis. “Sir andito na po si sir Arvey.”


Bumilis ang pintig ng puso ko. Pagtingin ko sa may pintuan, pumasok na din si tito Arvey.

“O siya. Kanina pa handa ang pagkain.” Pagimbita ni mama. “Kuya Arvey, this is our event coordinator, Cherry. I’m sure you’ve met before.”

“Cherry.” Ngumiti si tito Arvey. “Of course I’ll remember you.”

Ouch. Medyo nasaktan ako dun.

“This is his son Alonzo.” Pagpakilala ni mama.

“Kasing cute din ni Caleb.” Sabi ni tito.

Ouch muli. Napatingin ako kay Alonzo. Medyo expressionless mukha nya, pero nagkamayan sila ni tito.

“I’m sure you are all starving.” Ani ni mama. “Let’s go to the dining room, shall we.”

Ang awkward nung dinner na iyon. Halatang-halatang nirereto ni mama si tito kay Cherry. Pati si papa minsan nakikisabay. Itong si tito naman nakikisakay sa mga hirit ni mama, pero minsan nakikita ko siyang napapatingin sa akin. Kapag napapadaan si Nay Pasing, alam kong ako din ang tinitignan niya. Pati si Alonzo ako din ang tinitignan minsan. Doon ko lang napansin na medyo hindi ata maganda ang itsura ko ng nagsalita si papa.

“Caleb, may sakit ka ba?” tanong ni papa sa akin.

Umiling ako. “Medyo masakit lang ulo ko pa. Pagod lang po siguro. Magpahangin lang po ako sa labas.”

Umalis ako at dumiretso sa may hardin. Tumingin ako sa taas. Medyo maulap ang langit. Umupo ako sa may hagdan at bumuntong-hininga.

“Okay ka lang ba nak?”

Tumingin ako sa likod ko kay Nay Pasing. “Opo nay haha.”

“Batukan kita diyan eh.” Sabi ni Nay Pasing sabay upo sa tabi ko. “Dapat pala di ko na tinanong kung okay ka lang. Halata namang hindi.”

“Halata po ba?” pagkumpirma ko.

Tumango si Nay Pasing. “Kaming mga lola na, malakas pakiramdam namin sa mga ganyang bagay. Parang may sensor kami.” Ginawa niyang parang antenna yung dalawa niyang hintuturo sa ulo niyo at ginalaw galaw.

Natawa ako. “Nay. Di ko pwedeng sabihin kasi…”

“Bawal.” Sabat ni Nay Pasing. “Alam ko. Pero kung kailangan mo ng mapagsasandalan andito lang ako.” Niyakap niya ako. Makalipas ang ilang minutong katahimikan nagsalita ulit siya. “Naaalala mo ba yung batang tinulungan mo nung bata ka pa?”

Tumingin ako kay Nay Pasing. “Alin po?”

“Yung binigyan mo ng panyo kasi napansin mong dumudugo na pala yung tuhod niya. Anniversary din yun nina sir eh kaya naalala ko ngayon. Tapos ginawa mong benda yung panyo para di na dumugo.”

“Aaah.” Sabi ko. “Nung bata pa po ako nun yan eh.”

Tinignan ako ni Nay Pasing. “Parang ikaw yung bata ngayon. Dumudugo yung tuhod. Pero hindi ka nagsasalitang masakit. Kaso may dadating bang magbibigay ng panyo?”

Tumawa ulit ako. “Nay Pasing naman eh.” Hinagkan ko siya.

“Sige, kailangan ko ng bumalik dun. Baka may mali na namang magawa si Rosa.” Tumatawang tumayo si Nay Pasing.

Bago pa siya nakapasok sa bahay, tinawag ko ulit siya. “Salamat po sa panyo.” Sabi ko.

Ngumiti lang siya at umiling bago bumalik sa loob.

Tumingin ulit ako sa maulap na langit. Kung may isang bagay na tumatak sa isip ko sa sinabi ni Nay Pasing, iyon ay alam niyang bawal ang aking iniisip.

Dumating ang gabi ng anniversary nina papa at mama. As usual sa dating resort malapit sa amin ulit yun ginanap. Maraming dating mukha, may konting bagong bisita, since every 5 years naman nila ito ginaganap.

“Welcome to everyone for the celebration of the Silver Wedding Anniversary of Jameson and Anastacia Villa!” sabi ng isa sa mga host. Nakaupo ako sa lamesang reserved para sa immediate family namin. Kasama ko doon yung mga iba ko pang pinsan ng biglang dumating si tito Arvey at umupo sa tabi ko.

Naramdaman ko ang titig ni tito sa akin. “Kumusta ka naman Cal?” tanong niya. Nasiyahan ako kasi tinanong niya ako kung kumusta na ba ako.

“Okay naman po tito.” Sagot ko, pero hindi ko pa rin siya tinitignan.

“Pagpasensyahan mo na yung nangyari nung isang gabi.” Sabi niya.

“Okay lang tito.” Sabi ko. “Alam ko namang bawal maging tayo eh.”

Natahimik siya. “Cal…” mahina niyang sabi at nilapit niya ng konti ang mukha niya sa akin habang tumitingin sa paligid. “Hindi naman sa ganoon… kaso… yung mga ginawa natin, ginawa natin para lang magpakasaya…”

Doon ako nabigla. Napatayo ako bigla sa kinauupuan ko at pumunta sa isang katabing kwarto nung Main Hall ng resort. Mga kasama lang nung hosts ang naghihintay doon. Napaupo na lang ako sa upuan, nagiisip.

Makalipas ang ilang minuto biglang pumasok si Jonas. Medyo naninibago ako sa suot niya kasi alam kong di mahilig manamit ng magarbo si Jonas. Medyo gumwapo nga siya, pero may itsura naman talaga si Jonas. Di lang kasi siya nagaayos kaya hindi halata masyado. “Cal…” seryoso niyang sabi. “Hinahanap ka nila. Balik ka na sa loob.”

Lumapit ako sa kanya. Tinapik niya ako sa braso. Di na lang siya nagsalita. Ngumiti na lang din ako. Sabay kaming lumabas ng kwarto, pero umupo na lang ako kung saan siya nakapwesto.

Nagpatuloy ang wedding anniversary nina papa at mama ng maayos. Halata namang pinaghandaan talaga ito. Nagbigay ako ng isang maikling speech, at medyo nakalimutan ko ang mga dinadamdam ko dahil doon.

Nung kumakain na kami, si papa at mama ay pumunta sa may stage at hiningi nila ang mikropono. “Good evening everyone.” Si mama ay nagmukhang sobrang classic sa silver and white gown na suot niya. “I hope everyone is enjoying our celebration. But I’m really grateful for one person into tying all the strings to make this event as beautiful as this, Miss Cherry Buslon. Let’s give her a round of applause please.”

Nagpalakpakan kami ng iderekta ni mama ang kamay niya kay Cherry na nakatayo di kalayuan ko. “And as a thank you gift we have decided to give Cherry a well-deserved vacation. She’ll come with us in our anniversary trip… at siyempre isasama namin dito ang kapatid naming monghe…”

Nagtawanan ang marami sa mga bisita. Tumigas ang hawak ko sa kubyertos na hawak ko. Tumingin sa akin si Jonas na may pag-alala sa kanyang mukha.

“Whooo! Ibalik niyong nakatali si Arvey!” may sumigaw sa bandang likuran. Si tito Alvin, panganay sa kanilang magkakapatid. Maraming nagtawanan muli. Pero may naramdaman akong kirot sa aking puso.

Narinig ko ang mga pinagsasabi ng mga tao sa paligid ko.

“Bagay naman sila ah.”

“Typical of Asya to set up dates for other people.”

“I hope Arvey marries soon.”

Tumayo ako at naglakad palabas ng Main Hall. Hinanap ko ang labasan sa gusali at tumungo sa isang harding nakita kong medyo madilim. Sa isang medyo tagong bangko ako umupo, nakatalikod sa gusaling kinalalagyan ng tito ko.

Tumulo ang mga luhang pilit kong nilabanan nung isang araw pa. Ito pala yung sinasabi nilang ‘no strings attached’. All these time ganun lang pala ang turing ng tito ko sa akin. Medyo naisip ko na ring mangyayari ito, habang di ako makatulog ng maayos ng mga nakaraang gabi. Pero grabe pala talaga ang sakit kapag ikaw na mismo ang nakarinig at hindi lang sa isang ilusyong ginawa mo.

Mga ilang minuto din akong umiyak. Nagulat na lang ako ng may tumabi sa akin. Di ko tinignan pero sa gilid ng mata ko nakita kong isa siyang payat na lalaki. Si Jonas, sumunod sa akin, naisip ko.

“Sorry Jonas ha.” Sabi ko habang pinipilit ko ng itigil yung pag-iyak ko. “Medyo sumakit talaga yung…” tinignan ko siyang nakangiti. Nawala ang ngiti ko nung nakita ko kung sino ang nasa tabi ko.

Sa harapan ko si Alonzo, at sa mata niya nakita ko ang pag-alala.

“Here.” Sabi niya, sabay bigay sa akin ng puting panyo.

Kinuha ko yung panyo at nagpunas. Ngumiti na lang ako, nahihiya ng konti.

“Wag ka nang malungkot.” Nagsalita siya ulit. Ako lang ba, o medyo naramdaman ko yung nerbyos sa boses niya.

Tumango na lang ako, sabay tigil ng isang hikbing namuo. Niyakap niya ang kanyang kamay sa aking baywang at nilapit ako sa kanya. Bigla ulit siyang nagsalita. “Andito naman ako.”

Napatayo ako sa gulat at tumingin sa kanya. Nakita kong nagulat din siya… o baka takot yung nakita ko sa mata niya. Sa sobrang gulo ng isip ko, umalis ako kaagad.

Naglakad ako ng mabilis pabalik sa gusali kung saan ginaganap yung wedding anniversary. Sinalubong ako ni Jonas na halatang nag-aalala sa akin.

“San ka galing.” Tanong niya. “Umiyak ka ba?”

Umoo ako ng mahina. “Patulong naman para hindi mahalata ito.” Sabi ko.

Dumiretso kami sa banyo at nilapag ko yung panyong hawak ko sa may counter. Naghugas ako ng mata. “May tissue ba?” tanong ko kay Jonas.

“Wala eh.” Sagot niya. “Yung hand drier lang andito. Baka gusto mong itry.”

“Loko.” Sabi ko. Nakita ko yung panyong binigay sa akin ni Alonzo. No choice. Inunfold ko yun at sinimulang magpunas ng may napansin ako.

Sa isang banda nung panyo ay merong disenyo ng isang pagong na nakaembroidered. Parang pamilyar sabi ko. May nakasulat sa baba ng pagong, at binasa ko ito. “Calleb.” Tumingin ako kay Jonas habang may hinalang bumubuo sa aking isipan.

Dali-dali akong umalis ng banyo. Nagtatakang sumunod si Jonas. Mas nagtaka pa siya ng lumabas ulit ako ng gusali.

“Ei Cal!” sabi niya. “Anong meron? Alam kong nasasaktan ka pero kausapin mo naman ako oh para malaman ko kung anong gagawin.”

Di ko siya pinansin. Pababa na ako ng hagdan. Ang daming sumagi sa isip ko. Ang daming umiikot sa aking utak. Ang daming…

Pagkaapak ko sa damuhan biglang nandilim ang paningin ko.

No comments:

Post a Comment